Napoles 'hindi mukhang inosente' - Poe

MANILA, Philippines – Sa tingin ni Senador Grace Poe ay hindi mukhang inosente ang itinuturong mastermind sa bilyung-bilyong pork barrel scam Janet Lim Napoles.

Noong magkaroon ng pagkakataon upang tanungin ni Poe si Napoles sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes, sinabi ng senadora na hindi malinis ang konsensya ng suspek sa bilyung-bilyong scam.

“Hindi yan ang normal na reaksyon na nangingitngit dahil mayroong hindi makatuwirang bagay na nangyayari sa kanya,” sabi ni Poe.

Tulad ng ibang senador, sinubukan din ni Poe na pagsalitain si Napoles tungkol sa kanyang mga nalalaman ngunit hanggang sa huli ay iginiit ng negosyante ang kanyang “right to self incrimation.”

“Ang taong inosente, kakapit sa pagkakataon na depensahan ang sarili niya,” banggit ni Poe.

“Kung naniniwala kayo na inosente kayo, ito po ang pagkakataon para maipagtanggol ang sarili ninyo,” dagdag ng Senador na nanguna sa national elections noong Mayo 2013.

Samantala, sinabi ni Napoles na wala namang scam na naganap o kinasangkutan niya.

Ito ang kanyang naging tugon nang tanungin ni Poe kung kakagatin niya ba ang pagkakataon na gagawin siyang state witness.

“Wala namang scam,” sagot ni Napoles.

Buong sesyon ay naging matipid ang pagsagot ni Napoles gamit ang mga katagang, “hindi ko po alam” at “hindi ko po matandaan.”

Napikon pa ang ibang senador dahil walang mapiga mula kay Napoles na nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa ng whistleblower Benhur Luy.

Kaugnay na balita: Ilang senador inis sa hindi pagsagot ni Napoles

Dahil sa iwas na pagsagot ni Napoles ay hindi na nagsayang ng panahon si Senador Cynthia Villar magtanog dahil alam niyang wala siyang makukuha mula sa suspek.

“Hindi na po ko magtatanong kasi wala naman pong masasagot sa aking katanungan.”

Show comments