Ilang senador inis sa hindi pagsagot ni Napoles

MANILA, Philippines – Tila nainis na ang ilang senador sa mga paulit-ulit at tipid na sagot ng umano’y mastermind sa pork barrel scam Janet Lim-Napoles ngayong Huwebes sa pagdinig ng senado.

Walang direktang sinagot si Napoles na ginamit lamang ang karapatan laban sa self incrimination nang dumalo siya sa unang pagkakataon ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kinuwestiyon ni Senador Francis Escudero si Napoles kung bakit ito humiling ng executive session sa pagsisimula ng pagdinig.

“Kung puro 'hindi ko po alam' at 'i invoke my right' ang isasagot niyo, bakit kayo humiling ng executive session?” tanong ni Escudero.

Sinabi ni Napoles na inabisuhan siya ng kayang mga abogado mula sa Public Attorney’s Office na humingi ng executive session.

Nauna nang hiniling ni Napoles na magkaroon ng executive session dahil aniya’y masiyadong sensitibo ang kaso ngunit hindi ito pinagbigyan ng Senado.

Kaugnay na balita: Hiling na executive session ni Napoles ibinasura ng Senado

"Magkakaroon ng duda kung bakit tayo-tayo lang ang nag-usap," pahayag ni Sen. Alan Cayetano kay Napoles.

Sa isang executive session tanging mga committee members at mga abogado lamang ang maaaring dumalo sa isang closed-door session at hindi mapapanood ng publiko.

Sinagot nama ni Napoles si Senador Bam Aquino na ganoon pa rin ang kanyang isasagot kung pinagbigyang magkaroon ng executive session.

Kaugnay na balita: Napoles naaawa sa mga 'nadawit' na mambabatas

Sinabi naman ni Senador Alan Peter Cayetano na inabuso ni Napoles ang kanyang karapatan sa hindi pagsagot ng maayos sa Senado.

“Witness being evasive and abusing her right against self incrimination,” sabi ni Cayetano.

Dahil sa iwas na pagsagot ni Napoles ay hindi na nagsayang ng panahon si Senador Cynthia Villar magtanog dahil alam niyang wala siyang makukuha mula sa suspek.

“Hindi na po ko magtatanong kasi wala naman pong masasagot sa aking katanungan.”

Show comments