Santiago kay Napoles: Baka ipapatay ka nila, gantihan mo na!

MANILA, Philippines – Bigong paaminin ni Senador Miriam Defensor Santiago ang itinuturong mastermind sa umano’y pork barrel scam Janet Lim-Napoles  ngayong Huwebes.

Iginiit ni Napoles ang kanyang karapatan sa self incrimination sa lahat ng tanong ni Santiago sa isinagawang pagdinig ng Senado sa pork scam.

Ilang beses sinagot ni Napoles ng “Hindi ko po alam” ang mga tanong ni Santiago kabilang ang tanong na “Sino sa tinging mo ang most guilty?” sa isyu ng pangungurakot ng Priority Development Assistance Fund.

Kaugnay na balita: Guingona kay Napoles: Tulungan ang bayan, magsabi ng totoo

Sinabi pa ni Santiago na ‘wag nang protektahan ni Napoles ang mga mambabatas na kabilang sa kanilang umano’y maanomalyang transaksyon.

“Ang pinakamataas dito ay senador. Hindi mo kaya ang buong empire na ito. You cannot make pyramids out of bricks,” pahayag ni Santiago kay Napoles.

Kinumbinsi rin ng Senadora ang suspek na isiwalat na ang mga nalalaman bago pa siya ipatumba.

“Baka ipapatay ka nila, kawawa ka naman. Gantihan mo na habang buhay ka pa,” banggit ni Santiago.

"Sabihin mo na habang buhay ka pa. Kung sabihin mo dito, tapos na problema mo," dagdag ng Senador.

Ilan sa mga pinasinungalingan ni Napoles ang pagbibigay ng mga “kickback” sa mga umano’y kakuntsabang mambabatas.

Kaugnay na balita: Napoles naaawa sa mga 'nadawit' na mambabatas

Itinanggi rin ni Napoles ang buong isyu na ginagamit niya ang kanyang mga nongovernment organization upang gamitin sa pangungurakot kabilang ang mga mambabatas.

“Nakakaawa nga yung mga senador na da-drag yung mga pangalan na nadadawit sa isyu,” sabi ni Napoles. “Hindi po ito totoo.”

Show comments