MANILA, Philippines - Nagpatupad na ng shellfish ban ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa buong probinsya ng Bataan dahil sa red tide.
Ayon sa Provincial Agriculture Office (PAO) ng Bataan, iniabiso ng BFAR na bawal na muna ang panghuhuli, pagbebenta, paglalabas sa probinsya at pagkain ng shellfish na huli sa karagatan ng probinsya.
Ayon sa BFAR, umabot na sa 269 milligrams Saxo-Toxin per 100 milligrams STx ang toxin level ng nakuha nilang sample na shellfish mula sa karagatan sa bayan ng Orani.
Ang normal toxin level upang masabing ligtas na kainin ang isang shellfish ay 60 milligrams STx.
Sinabi ng PAO na nakapagpadala na ito ng babala sa lahat ng mga alkalde ng 12 bayan at siyudad ng Bataan.
Tiniyak naman ng PAO na ligtas na kainin ang sariwa o bagong huling isda, alimango, alimasag at hipon mula sa mga karagatan ng probinsya.