'Old politician' hindi si Enrile - Palasyo

MANILA, Philippines – Walang partikular na taong pinapatamaan si Pangulong Benigno Aquino III nang banggitin niya ang “old politician” sa kanyang talumpati Miyerkules ng gabi, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma na hindi si Senator Juan Ponce Enrile ang tinutukoy ni Aquino taliwas sa mga naglalabasang haka-haka kung sino si “old politician.”

"Wala pong layunin ang Pangulo na mang-intriga," pahayag ni Coloma ngayong Huwebes. "Ako po ay naging saksi sa paghahanda ng kanyang talumpati. Ni minsan po ay wala akong narining na pangalang binanggit."

"Kapag po merong nagbabato ng batikos o akusasyon, sino po ba dapat ang magbigay sustansya doon? 'Yung pinaparatangan o 'yung nagpaparatang?" dagdag ni Coloma.

Inihayag ni Aquino kagabi ang tunay na isyu ng bayan at ito ay ang panagutin ang mga nasa likod ng pork barrel scam.

Kaugnay na balita: 'Huwag magpadala sa black propaganda' - Drilon at Escudero

Aniya, ang mga sangkot sa pangungurakot gamit ang pera ng bayan ang silang nasa likod nang paninira kanya na ginagamit pa ang Disbursement Acceleration Program (DAP).

"And since it is exceedingly difficult to explain, it seems they have taken the advice of an old politician from their camp: If you can’t explain it, muddle it; if you can’t deodorize it, make everyone else stink; if you can’t look good, make everyone look bad. You have heard what they are saying: that we are all the same," sabi ni Aquino kagabi.

Iginiit ni Aquino na walang masama sa DAP at ito ay naaayon sa Saligang Batas.

Kabilang si Enrile sa mga sangkot umano sa pork scam kasama pa sina Senador Bong Revilla Jr. at Senador Jinggoy Estrada.

Kaugnay na balita: 'Hindi ako magnanakaw' - Sen. Bong

Si Estrada ang nagsiwalat ng DAP sa kanyang privilege speech sa Senado.

Aniya nakuha nila ang pondo matapos ibotong mapatalsik ang dating Chief Justice Renato Corona.

Show comments