Ballot box ninakaw, konsehal utas sa Basilan

MANILA, Philippines – Isang ballot box ang ninakaw ng isang nagkunwaring botante sa probinsya ng Basilan, ayon sa mga pulis ngayong Lunes ng hapon.

Sinabi ni Senior Superintendent Mario Dapillosa, Basilan police provincial office director ninakaw ng hindi pa nakikilalang suspek ang ballot box mula sa Barangay Bohe Suyak sa bayan ng Ungkaya Pukan bandang 12:50 ng hapon.

Para sana sa presinto 51A at 51B ang ninakaw na ballot box, dagdag ni Dapillosa.

Bigong maaresto ng mga nakabantay na pulis ang suspek at hindi pa malaman sa ngayon kung nagdeklara ng failure of elections ang Commission on Elections.

Samantala, patay ang konsehal ng barangay sa bayan ng Tipo-Tipo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Nakilala ang biktima na si Hadji Faizal Mohammad, 59, konsehal ng Barangay Bohe Lebbung.

Papunta sanang presinto si Mohammad upang bumoto nang tambangan siya ng suspek sa Sitio Lebbak, Barangay Bohe Baca.

Lumabas sa imbestigasyon na nakipagtalo si Mohammad sa suspek dahilan upang barilin siya.

Show comments