22 patay bago ang barangay polls

MANILA, Philippines – Bago ang mismong araw ng halalang pambarangay, umakyat na sa 22 katao ang nasawi sa election-related violence, mas mataas kumpara noong nakaraang eleksyon, ayon sa Philippine National Police.

Sinabi ni PNP spokesperson Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac na kabilang sa mga nasawi ay mga kandidato at mga taga-suporta nila, habang 27 katao naman ang sugatan.

Noong 2010 barangay polls ay 15 katao ang nasawi, dagdag ni Cacdac.

Samantala, umabot na sa 588 katao ang lumabag sa election gun ban ng Commission on Elections.

Nasabat sa mga nadakip ang halos 500 armas, 4,000 mga bala, 191 kutsilyo at 68 granada.

Ipinatupad ang gun ban noong Setyembre 28 at magtatapos sa Nobyembre 12.

Higit 800,000 katao ang tatakbo ngayong Lunes sa buong bansa na may 42,028 na barangay, kung saan nasa 6,000 dito ang kabilang sa mga election hotspots kaya naman todo bantay ang mga awtoridad upang maiwasan ang kaguluhan.

 "Our elections in the past have always been marred by untoward incidents," pahayag ni military spokesman Lt. Col. Ramon Zagala.

Ipinagpaliban ang halalan sa probinsya ng Bohol kasunod nang magnitude 7.2 na lindol na kumitil sa higit 200 katao noong Oktubre 15, habang hindi rin tuloy ang eleksyon sa Zamboanga City matapos ang kaguluhan sa pagitan ng Moro National Liberation Front at ng mga awtoridad.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang itinuturing na delikado kapag eleksyon matapos mamatay ang 58 katao sa Maguindanao province noong 2009.

Show comments