PNoy nasiyahan sa pagtulog sa folding bed, military tent sa Bohol

MANILA, Philippines – Natuwa si Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang naranasan matapos bisitahin ang mga biktima ng lindol sa Bohol.

Sinabi ni Aquino na tila ay nakatikim siya ng kapiraso ng bakasyon matapos magpalipas ng gabi sa loob lamang ng military tent at humiga sa army folding bed malapit sa dagat.

"Ang dami nating nakitang damage throughout Bohol pero doon sa tinulugan namin kagabi malapit sa dagat, nakita natin 'yung linis ng tubig, nakita natin 'yung potensyal ng turismo," kuwento ni  Aquino sa isang pulong balitaan ngayong Huwebes ng umaga.

"Ewan ko kung pwedeng masabing parang nakatikim tayo ng kaunting bakasyon kagabi," dagdag niya.

Bukod sa naranasan ay hindi kinalimutan ni Aquino ang kanyang pakay sa Bohol at ito ay ang matignan ang kalagayan ng mga nasalantang pamilya.

Inalala ng Pangulo ang kaligtasan ng mga biktima na pansamantalang nananalagi sa mga tent na aniya maaaring mapagmulan ng mga sakit.

"Paaral natin sa mga dalubhasa kung ligtas na. Dapat sana mabalikan na ang mga tahanan," sabi ni Aquino tungkol sa pagbalik sa mga tahanan ng mga residente.

Samantala, nabanggit ni Aquino na nakaranas din siya ng isa sa libu-libong aftershocks kasunod nang magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Central Visayas noong Oktubre 15.

Nasa 198 na katao na ang kumpirmadong nasawi sa matinding lindol, habang 11 katao pa ang nawawala.

 

Show comments