MANILA, Philippines – Hindi nagustuhan ni Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon ang naging asal ni Maribojoc Mayor Leoncio Evasco matapos umanong haluan ng politika ang pamimigay ng relief goods sa mga biktima ng lindol sa Bohol.
Sinabi ni Gordon na nais ni Evasco na makuhaan ng litrato ang pamimigay ng tulong sa mga nasalanta ng magnitude 7.2 na lindol na tumama nitong Oktubre 16 na ikinasawi ng halos 200 katao.
"(There are) 37 bridges down, dapat magsama-sama tayo rito. Gusto ni Mayor may picture pa bago ibigay ang goods at gusto niya na siya ang magbigay," pahayag ng dating senador sa isang panayam sa radyo.
"Pinapaalis yung mga tao ko na medyo violent ang approach," dagdag ni Gordon.
Kahapon ay naiulat na pinigilan ni Evasco ang pamimigay ng relief goods ng Red Cross dahil sa hindi pagsunod sa centralized distribution system ng lokal na pamahalaan.
"Para hindi maging complicated ang system namin in distributing the goods dapat well coordinated lahat para hindi magdoble-doble ang pagbibigay sa tao, tapos yung iba naman wala," sabi ng alkaled sa hiwalay na panayam sa radyo.
Pero pinabulaanan ito ni Gordon at sinabing tinitiyak nilang mabibigyan lahat ng tulong.
"Hindi kami nag-iiwan ng goods, 'pag may natira we give it to the most vulnerable ... Ibibigay namin ito direkta sa mga taong nangangailangan hindi kila Mayor," banggit ni Gordon.
Samantala, inakusahan ni Evasco na ginagamit ni Gordon ang krisis upang bumango ang pangalan para sa susunod na halalan.
"I am not against Red Cross as an organization. I am against some people in Red Cross who think they are gods. I am against some people of Red Cross who use the misery of other people to promote their own political agenda," sabi ni Evasco.
"I don't need enemies, I need friends at this time. But Gordon is a political animal, pinupulitika n'ya ang Red Cross," dagdag niya.