MANILA, Philippines - Umakyat na sa 190 ang bilang ng mga nasawi kasunod ng magnitude 7.2 na lindol sa Central Visayas, ayon sa disaster response agency ngayong Martes.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na patuloy pa rin ang search and retrieval operations kung saan 11 katao pa ang nawawala.
Nitong nakaraang Martes tumama ang matinding lindol kung saan karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bohol.
Patuloy na niyayanig ng aftershocks ang probinsya at sinabi ng NDRRMC na mararanasan ito hanggang sa mga susunod na linggo.
Ipinaalaala rin ng ahensya sa publiko na huwag mag-panic sa tuwing mararanasan ang paggalaw ng lupa dahil ito'y normal lamang pagkatapos ng malakas na lindol.
Samantala, sinigurado naman ng tagapagsalita ng NDRRMC Reynaldo Balido na patuloy ang pagdating ng mga tulong sa mga apektadong residente.
"Ang ating suplay, tuloy-tuloy ang pagpapadala at hindi po nagkukulang," pahayag ni Balido sa panayam ng himpilang DZMM.
Kahapon ay personal na iniabot ni Senate President Franklin Drilon ang P6 milyon na cheke kay Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman na magsisilbing tulong sa mga nasalanta ng lindol.
Kasama ni Drilon sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Minority Leader Juan Ponce Enrile.