MANILA, Philippines - Makakaranas pa ng maraming aftershocks ang Central Visayas kasunod ng matinding lindol nitong Martes, ayon sa awtoridad.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na makakaramdam pa ng mga paggalaw ng lupa ang
rehiyon sa susunod na buwan.
Umabot na sa 1,581 aftershocks ang naitala ng Phivolcs, ngunit 29 lamag dito ang naramdaman ng mga residente.
Pinakamalakas na naitala ang magnitude 5.5 na lindol sa Tagbilaran City, Bohol, Huwebes ng umaga.
Kaugnay na balita: Tagbilaran City niyanig ng magnitude 5.5 aftershock
Muling nagpaalala ang Phivolcs sa publiko na huwag mag-panic sa mga mararanasang paggalaw ng lupa dahil ito ay normal lamang.
"These may continue for weeks to months, but diminishing in number and strength as time passes. In this case, a higher magnitude earthquake related to this event is no longer expected to occur," pahayag ng ahensya.
Kaugnay na balita: 'Wag magpanic sa aftershocks - NDRRMC
Nitong Martes ay niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang Central Visayas at naitala ang sentro nito sa bayan ng Sagbayan. Naramdaman ang Intensity VII sa Tagbilaran City and Cebu City.
Umakyat na sa 171 katao ang bilang ng mga nasawi, 20 katao pa ang nawawala sa Bohol, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ngayong Biyenes.