MANILA, Philippines – Inaasahang ilalahad ng itinuturong mastermind ng pork barrel scam Janet Lim-Napoles ang kanyang nalalaman sa pagharap niya sa Senate Blue Ribbon Committee.
Nakatakdang humarap sa pagdinig ng Senado sa umano’y maanomalyang pondo si Napoles matapos pirmahan ni Senate President Franklin Drilon ang subpoena ngayong Miyerkules.
"With this decision, the Senate commits to the orderly administration of justice," pahayag ni Drilon na inanunsyo ng Senate Public Relations and Information Bureau sa micro-blogging site na Twitter.
"The public criticism that came our way has undoubtedly injured the image of the Senate before a public hungry to see Napoles being grilled in the Senate Halls," dagdag ng senador.
Aniya, nilagdaan niya ang subpoena upang bumalik ang tiwala ng publiko sa Senado.
"As the head of this institution, I must lead in restoring the confidence of our people in the Senate," banggit ni Drilon, na dating justice secretary.
Kasalukuyang nakakulong si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City Laguna dahil sa kasong serious illegal detention na inihain ng whistleblower na si Benhur Luy.
Una nang tinanggihan ni Drilon na ipatawag si Napoles dahil na rin sa payo ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Sinabi ni Morales na hindi na kinakailangang pang humarap sa Senado si Napoles dahil gumugulong na sa kanyang opisina ang kasong plunder na inihain ng Department of Justice laban sa negosyante.
Siniguro naman ni Drilon na mananagot ang mga mapapatunayang may sala sa gobyerno.
"As your elected legislators, we will see to it that no stone will be left unturned in enacting policy changes that will guarantee that this multi-billion pesos scam will never ever happen again," sabi ni Drilon.