MANILA, Philippines – Umabot na sa 107 katao ang nasawi sa pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Central Visayas, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) ngayong Miyerkules.
Sinabi ni OCD spokesperson Reynaldo Balido Jr., 97 sa kabuuang bilang ng mga namatay ay mula sa probinsya ng Bohol, siyam sa Cebu at isa sa Siquijor.
Dagdag niya na 276 katao naman ang sugatan sa lindol na tumama bandang alas-8 ng umaga kahapon.
Samantala, sinabi naman ni Chief Supt. Danilo Constantino, Central Visayas regional police director, na nasa 280 katao na ang namatay, habang siyam ang nawawala.
Patuloy pa rin ang search and rescue operations sa bayan ng Loon sa Bohol, ayon pa sa pulis.
Sinabi pa ni Balilio na bumalik na ang kuryente sa lahat ng nakaranas ng power outage, habang wala na namang pasahero ang standed sa mga paliparan at pantalan.
Pero nilinaw ng tagapagsalita ng OCD na nananatiling nakasara ang Tagbilaran Port.
Nakapagtala na naman ng 823 aftershocks ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa huling ulat kaninang alas-8 ng umaga.
Nasa 2.8 milyon katao ang naapektuhan ng kalamidad, kung saan 12,000 ay nananatili sa mga evacuation centers.