MANILA, Philippines - Nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong "Tino" habang umakyat sa 15 ang bilang ng mga nasawi sa hagupit ni "Santi," ayon sa mga awtoridad ngayong Martes.
Namataan ng PAGASA si Tino sa 1,190 kilometro hilaga-silangan ng Basco, Batanes kaninang alas-4 ng umaga.
Bahagyang humina ang bagyo sa 150 kilometers per hour at bugsong aabot sa 185 kph habang papalabas ito ng bansa.
Samatala, umakyat sa 15 ang bilang ng mga namatay dahil kay Santi matapos makita ang nawawalang biktima sa Punta, Abulag, Cagayan River kahapon ng umaga.
Limang katao pa naman ang hindi pa nakikita, habang 32 ang sugatan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Umabot sa 870,000 katao ang naapektuhan ng bagyo matapos nitong bayuhin ang 14 na probinsya ng Luzon.
Sinabi pa ng NDRRMC na umabot sa P3.07 bilyong halaga ng agrikultura ang nasira dahil sa bagyo at P1.1 milyong halaga ng impastraktura.