MANILA, Philippines – Umakyat sa siyam na katao na ang kumpirmadong nasawi matapos tumama ang lindol sa Visayas region ngayong Martes.
Sinabi ng Office of the Civil Defense Region 7, apat sa mga namatay ay mula sa Cebu, apat din ang galing sa Bohol at isa sa Siquijor.
Ang apat na taga-Cebu ay nasawi matapos mabagsakan ng gumuhong pader ng Pasil Fish Port.
Tatlo sa mga nasawi sa Bohol ay pawang mga pasyente ng Natalio Castiloo Sr. Memorial Hospital sa Loon, Bohol, ayon kay Bohol Board Member Yul Lopez.
Dagdag ni Lopez na ang isang nautas sa Bohol ay naipit sa gumuhong gymnasium sa Loon, Bohol.
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang sentro ng lindol sa Carmen, Bohol at naramdaman ito sa iba't ibang bahagi ng Visayas at sa Mindanao.
Ayon sa mga ulat, nawalan ng kuryente ang ilang bayan sa bohol, habang hindi pa matukoy kung ilang gusali ang mga nasira dahil sa lakas ng lindol.