MANILA, Philippines - Nagretiro na si Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Virginia Torres kasunod nang pagkalat ng kanya umanong video sa casino.
Sinabi ni Torres ngayong Lunes na nais lamang niyang matapos na ang kontrobersya at iwasan na madungisan ang ahensya.
"Para magkaroon ng katahimikan sa LTO, sa mga issues, I chose to retire," pahayag ni Torres sa isang panayam sa radyo.
Pinabulaanan naman ni Torres na pinagbitiw siya ng Palasyo.
Dagdag ng opisyal na ipinaalam na rin niya kay Pangulong Benigno Aquino III at kay Transportation Secretary Emilio Abaya ang kanyang pagreretiro matapos ang 33 taon sa serbisyo.
Tinaggap naman aniya ni Aquino ang kanyang desisyon.
Nitong Agosto ay inulan ng batikos si Torres matapos kumalat ang video kung saan ipinakitang naglalaro siya ng slot machine sa isang casino.
Ayon sa Memorandum Circular No. 8 na inilabas noong Agosto 2001, mahigpit na ipinagbabawal na pumasok sa casino ang mg opisyal ng gobyerno.