MANILA, Philippines – Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) Nur Misuari matapos hindi matagpuan sa kanyang bahay sa Zamboanga City.
Nahaharap sa kasong rebelyon si Misuari dahil sa umano’y pangunguna sa panggugulo sa lungsod na tumagal ng 20 araw nitong Setyembre.
Sinabi ng tagapagsalita ng Western Mindanao police na si Chief Inspector Ariel Huesca, dinala nila ang search warrant sa bahay ni Misuari sa Barangay San Roque.
Nang walang sumasagot mula sa loob ng bahay ay napagdesisyunan nilang gumamit ng puwersa, dagdag ni Huesca.
"I cannot elaborate for security reasons," sagot ng tagapagsalita nang tanungin kung ano pa ang nangyari sa kanilang operasyon.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group Region 9, lumabag si Misuari at ang kanyang mga tauhan kabilang si commander Habier Malik sa International Humanitarian Law.
Nagsimula ang kaguluhan noong Setyembre 9 at noong Setyembre 28 ay idineklara ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na tapos na ang krisis sa Zamboanga City.