MANILA, Philippines – Dahil sa pangamba sa kanilang buhay, umabot sa 700 guro sa Maguindanao ang tumangging umupo bilang mga Board of Election Tellers (BETs) sa nalalapit na barangay elections sa Oktubre 28.
Nagpadala ng liham ang mga guro mula sa anim na bayan ng Maguindanao upang ipagbigay alam kay Commission on Elections poll supervisor Udtog Tago ang kanilang pagtanggi upang maging BETs.
Ikinatatakot ng mga guro mula sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Salipada K. Pendatun, Shariff Aguak, Saidona Mustapha, Datu Piang at Datu Abdullah Sangki na maging buntunan ng galit ng mga talunang kandidato.
"The BETs form part of the board of canvassers in the barangay level that is why the teachers fear for their lives as they are exposed to threats and violence during election time," sabi ni Tago.
Sinabi pa ni Tago na ipinaalam na niya sa Comelec en banc ang sitwasyon sa Maguindanao.
Kaugnay na balita: Araw ng barangay elections idineklarang holiday
Aniya isa sa mga maaari nilang gawin ay kunin ang mga pulis bilang BET sa anim na bayan ng probinsya.
Samantala, binalasa ni Tago ang mga tauhan ng Comelec sa Maguindanao at Lanao del Sur upang maiwasang magkaroon ng “familiarization†sa pagitan ng mga BET at mga kandidato.