Tinanggap na dagdag pondo matapos ang Corona trial, suhol - Miriam

MANILA, Philippines – Nais paimbestigahan ni Senator Miriam Defensor-Santiago ngayong Lunes sa Commission on Audit ang umano’y natanggap na karagdagang pondo ng mga senador matapos bumoto para sa pagpapatalsik sa dating Chief Justice Renato Corona.

Sinabi ni Santiago na maituturing na suhol ang natanggap na pondo ng mga Senador sang-ayon sa Penal Code.

Aniya lahat ng tumanggap ng karagdagang pondo ay maituturing na nagkasala sa batas.

Nitong nakaraang linggo ay isiniwalat ni Senador Jinggoy Estrada sa kanyang privilege speech ang P50 milyon karagdagang pondo para sa mga bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Corona.

Itinanggi na ni Senate President Franklin Drilon, Department of Budget and Management (DBM), at ng Palasyo ang sinabi ni Estrada.

“These fund releases have recently been touted as ‘bribes,’ ‘rewards,’ or ‘incentives.’ They were not," pahayag ni DBM Secretary Butch Abad nitong weekend.

Sinabi ni Abad na parte ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ang natanggap na karagdagang pondo ng mga Senador.

Samantala, kinuwesityon naman ni Santiago ang legalidad ng DAP at kung bakit hindi pantay-pantay ang nakuha ng mga Senador.

"I would like to know in particular if it is legal for the budget department to discriminate among senators. While all other senators received an average of P50 million, reportedly three senators got P100 million each. They are Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Franklin Drilon, and Sen. Francis Escudero," banggit ni Santiago.

Ayon sa Palasyo ngayong Lunes ay sinuspinde na rin nila ang pagpapalabas ng DAP kasabay nang pagharang sa pork barrel.

Show comments