MANILA, Philippines – Magsasampa ng mga kaso ang gobyerno laban sa iba pang mga taong sangkot sa pork barrel at Malampaya scams sa susunod na dalawang linggo, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima ngayong Huwebes.
Sinabi ni De Lima sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na uunahin nilang makasuhan ang mga nasa likod ng Malampaya fund scam.
Dagdag niya na sa ikalawang linggo ng Oktubre ay makakasuhan na rin ang iba pang sangkot sa bilyun-bilyong pork barrel scam kung saan ang negosyanteng si Janet-Lim Napoles ang itinuturong mastermind nito.
Una nang inireklamo ng pandarambong ng Department of Justice sina Napoles, Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla Jr. sa Office of Ombudsman.
Kahapon sa kanyang privilege speech ay kinuwestiyon ni Estrada kung bakit sila lamang ang pinupuntirya ng imbestigasyon.
Kaugnay na balita: 'Bakit kami lang ang iniimbestigahan?' - Jinggoy
"Bakit kaming tatlo lang ang iniimbistigahan? There is a saying: selective justice is injustice," pahayag ni Estrada.
Kanina sa pagdinig ng Senado ay sinabi ng whistleblower Benhur Luy na sa 20 non-government organization ni Napoles ay walo ang nakakakuha ng pork barrel at ang 12 ang binabagsakan ng Malampaya funds.
"P900-M ang nakulimbat ni Napoles from Malampaya funds," pahayag ni Luy.
Sinabi naman ni De Lima na naaapektuhan ng pagharap ng mga whistleblower sa Senado ang kanilang ginagawang paghahanda ng mga kaso.
"Having the witnesses talk in further detail about what they know can reveal parts of our legal strategy, the identities of others who may be charged in the near future, and other matters regarded as privileged law enforcement information," banggit n De Lima.
"It would drastically help the case if public statements from the witnesses would cease,†dagdag niya.