Tax evasion case isasampa vs Napoles - BIR
MANILA, Philippines – Sasampahan ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang negosyante at itinuturong mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles at ang asawa niyang si jaime.
Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na aabot sa P44.68 milyong halaga ng buwis ang utang sa gobyerno si Napoles, habang P16.43 milyon naman ang sa asawa niya.
Dagdag ni Henares na ang P61.11 milyon na kabuuang halaga ng hindi nabayarang buwis ay maaari pang tumaas.
"The amount is just what we have as of now. It can keep on going. But with that amount, there is already tax evasion committed," pahayag ni Henares.
Sinabi ng kalihim na sinilip nila ang mga real properties, sasakyan, insurance policy, club shares, at shares of stocks sa iba’t ibang corporation ng mag-asawa ngunit hindi pa ang ibang pagmamay-ari nila.
Lumabas sa pagsisiyasat ng kawanihan na iniwasan ni Napoles na magbayad ng tamang buwis noong taong 2004, 2006, 2008, 2009, 2010, 2011, 2012.
Sinabi pa ni Henares na walang idinekrala si Napoles mula sa kanyang income tax return (ITR) noong 2006 at 2009, habang noong 2010 hanggang 2012 ay hindi na naghain pa ng ITR ang negosyante.
Inirereklamo rin ng BIR si Napoles dahil sa kulang at maling mga impormasyon sa kanyang ITR noong 2006, 2008, at 2009.
Samantala, hindi rin naman naghain ng kanyang ITR si Jaime noong 2004, 2006, 2008, 2010, 2011, at 2012, habang nagbigay naman ng maling impormasyon sa kanyang ITR noong 2009.
- Latest
- Trending