Subpoena kay Napoles ibinasura ni Drilon

MANILA, Philippines – Hindi inaprubahan ni Senate Presidente Franklin Drilon ang subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee kay Janet Lim-Napoles, ang itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam.

Ang hindi pag-apruba ni Drilon ay alinsunod sa payo ni Ombusman Conchita Carpio-Morales na sinabing hindi na kailangang pang magsalita si Napoles sa imbestigasyon ng Senado.

Sinunod ni Drilon ang payo ni Carpio-Morales dahil aniya ang Ombudsman lamang ang makakapagsabi kung ano ang makakabuti para sa kasong isinampa ng Department of Justice laban kay Napoles.

"I defer to the ruling of the Ombudsman. I am not about to debate at this point. Ang sinusundan ko lang yung opinion at ruling ng Ombudsman," pahayag ni Drilon.

Ipinaabot ni Carpio-Morales ang kanyang pay okay Drilon sa isang liham.

"Even as I recognize the Senate's power to conduct inquiries in aid of legislation, I submit that it would not be advisable, at this time, for Ms. Napoles to testify before the said Committee on 'what [she] know[s]' about the alleged scam," sabi ni Morales sa sulat niya kay Drilon.

Kahapon ay sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chairman TG Guingona na ipapatawag nila sa kanilang pagdinig si Napoles upang ilahad ang kanyang mga nalalaman sa umano’y pork barrel scam.

Kaugnay na balita: Napoles ipinatawag sa imbestigasyon ng Senado sa 'pork' scam

Sinabi ng senador na mahalagang marinig ng publiko ang mga sagot ni Napoles sa mga ipinaparatang sa kanya.

Nitong Setyembre 16 ay pormal nang inireklamo ng National Bureau of Investigation si Napoles at ang ilang senador na sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla Jr. at Jinggoy Estrada ng kasong pandarambong.

Samantala, inaprubahan naman ni Drilon ang subpoena ng Senado para kina Justice secretary Leila De Lima at ang mga whistleblower kabilang star witness na si Benhur Luy.

Show comments