Napoles hindi naghain ng plea

MANILA, Philippines – Tumangging sumagot sa paratang ang umano’y mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles nang basahan ng sakdal ngayong Lunes para sa kasong serious illegal detention.

Dahil dito ay mismong ang Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ang naghain ng not guilty plea para kay Napoles na nakasuot ng helmet at bullet-proof vest nang dumating sa korte.

Hindi tumugon ang kampo ni Napoles dahil sa kanilang pagkuwestiyon sa probable cause at paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Sinabi ni Diosfa Valencia, RTC branch clerk, na muling haharap sa korte si Napoles sa Biyernes upang dinggin ang kahilingan ng kampo ng negosyante na makapagpiyansa.

Kaninang umaga ay naghain ng pitong pahinang urgent motion ang abogada ni Napoles na si Lorna Kapunan na sa Fort Sto. Domingo na lamang sa Sta. Rosa City Laguna gawin ang arraignment.

Kaugnay na balita: Seguridad sa arraignment ni Napoles tiniyak ng PNP

Ang whistleblower na si Benhur Luy ang nagreklamo sa magkapatid na Napoles at Reynald Lim matapos umano siyang ikulong ng higit tatlong buwan.

Hanggang sa ngayon ay nagtatago pa rin si Lim na may limang milyong pabuya kapalit ng ikadadakip niya.

Bukod sa serious illegal detention, nahaharap sa kasong pandarambong si Napoles kasama pa ang ilang mambabatas tulad nina Bong Revilla Jr., Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.

Kanina ay hiniling ni Senate Blue Ribbon committee chairman TG Guingona kay Senate president Franklin Drilon na dumalo sa kanilang pagdinig sa pork scam si Napoles.

Kaugnay na balita: Napoles ipinatawag sa imbestigasyon ng Senado sa 'pork' scam

Show comments