MANILA, Philippines – Aabot sa 100 pulis ang nakatalagang tumiyak ng seguridad ng umano’y mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles ngayong Lunes.
Mula sa kanyang piitan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna, ibibiyahe si Napoles patungong Makati Regional Trial court branch 150 upang basahan ng sakdal sa kasong serious illegal detention na isinampa ng whistleblower na si Benhur Luy.
Sinabi ni Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac, tagapagsalita ng Philippine National Police, na pangungunahan ng Special Action Force (SAF) ang security team ni Napoles sa pamumuno ni Senior Superintendent Noli Talino.
Kasama ng SAF ang iba pang puwersa ng kapulisan mula sa Police Regional Office 4, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Makati police, Criminal Investigation and Detection Group, Highway Patrol Group, at Intelligence Group.
Sinabi pa ni Sindac na nagsagawa na ng pagsasanay ang SAF para sa mga maaaring mangyari sa kanilang pagbiyahe mula Laguna patungong Makati.
" (The) SAF has also conducted some drills in anticipation of all possible scenarios," banggit ng tagapagsalita.
Nakatakdang basahan ng sakdal si Napoles mamayang hapon.
Bukod kay Napoles, sangkot din sa kaso ang kanyang utol na si Reynald Lim na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin.