Bagyong 'Odette' palalakasin ang Habagat
MANILA, Philippines - Napanatili ng bagyong "Odette" ang lakas nito habang papalapit sa Luzon, ayon sa state weather bureau ngayong Martes.
Namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang alas-4 ng umaga ang bagyo sa 830 kilometro silangan ng Tugegarao.
May lakas si Odette na 55 kilometers per hour (kph), habang mabagal ang paggalaw nito pa kanluran sa bilis lamang na pitong kilometro kada oras.
Sinabi ng PAGASA kagabi na wala naman direktang epekto ang bagyo sa bansa ngunit palalakasin nito ang hanging habagat na magdadala ng pag-ulan na may pagkulog at kidlat sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Occidental Mindoro.
Inaasahan na mananatali si Odette ng tatlo hanggang apat na araw sa Philippine Area of Responsibility.
Wala namang nakataas na public storm warning signal sa buong bansa.
- Latest
- Trending