MANILA, Philippines - Dumating na sa Zamboanga City si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Biyernes upang personal na matignan ang sitwasyon sa pagitan ng mga sundalo at miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Sinabi ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Secretary Ricky Carandang na pasado alas-10 ng umaga lumapag si Aquino sa lungsod.
Mula noong Lunes ay nagmamatigas pa rin ang mga rebelde sa pamumuno ni Nur Misuari kung saan ilang barangay sa lungsod ang kanilang sinakop at daan-daang bihag ang kanilang dinukot.
Dahil sa kaguluhan ay libu-libong residente na ang lumikas, habang suspendido pa rin ang pasok sa paaralab at sa ilang mga trabaho.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na pawang mga kontra sa Bangsamoro peace process sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front ang mga nanggugulo.
Binalaan din niya ang mga rebelde na kung hindi mareresolba sa mapayapang pag-uusap ang kaguluhan ay hindi magdadalawang isip ang gobyerno na gumamit ng buong puwersa.
"While the government is exhausting all avenues for a peaceful resolution to the situation, let it be clear to those defying us that they should not entertain the illusion that the state will hesitate to use its forces to protect our people," pahayag ni Lacierda kahapon.