MANILA, Philippines – Limampung porsiyento umano ng inilalaang pork barrel sa mga pekeng nongovernment organization ni Janet Lim-Napoles ang nakukuha ng mga Senador, ayon sa whistleblower na si Benhur Luy ngayong Huwebes.
Sa pagharap sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa P10-milyon pork barrel scam, inilahad ni Luy na 40 porsiyento naman ang napupunta sa kanyang dating amo na si Napoles.
Dagdag ni Luy na ang nalalabing 10 porsiyento ay napupunta naman sa mga ahensya ng gobyerno o ang mga “implementing agencies.â€
Kuwento pa ni Luy na personal na iniaabot ni Napoles ang mga pera sa mga mambabatas, habang sa ibang pagkakataon ay mismo ang mambabatas ang kumukuha sa opisina ng negosyante.
"Cash po. Meron ho MC (manager's check) pero hindi nakapangalan sa senador. In the Lower House, it was fund transfers. They gave account numbers and we credited the money to their account," sabi ni Luy na inireklamo si Napoles ng serious illegal detention matapos siyang ikulong upang tumahimik.
Pero nilinaw ni Luy na hindi niya personal na nakita ang mga mambabatas na tumanggap ng pera o tseke.
Samantala, kasamang humarap ni Luy si Justice Secretary Leila De Lima na hiniling sa kumite na huwag munang pangalanan ng whistleblower ang mga sangkot na mambabatas.
Sinabi pa ni Luy na nagtayo ng 20 pekeng NGOs si Napoles, pero walo lamang ang ginamit sa pork barrel scam.
Dagdag niya na tatlo sa mga NGO ay isinara matapos madawit sa fertilizer scam noong 2003 at 2004.