MNLF umatake sa Basilan
MANILA, Philippines – Tatlo ang sugatan sa hiwalay na pag-atake ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ngayong Huwebes ng umaga sa Lamitan City, Basilan.
Sinabi ni Senior Superintendent Mario Dapilloza, Basilan provincial police office director, bandang 8:50 ng umaga naganap ang paglusob ng mga rebelde sa Barangay Campo Uno.
Nakilala ang mga sugatang sundalo na sina Pfcs. Ruel Martinez, Wilvan Caro, M/Sgt. Ernesto Landagura, na pawang mga miyembro ng Scout Ranger battalion.
Limang katao naman ang naiulat na nawawala matapos ang panggugulo ng MNLF sa lugar, ayon kay Vice Mayor Roderick Furigay.
Sinabi pa ni Dapilloza na naglunsad na ng pursuit operations ang militar laban sa mga rebelde.
Malapit lamang ang isla ng Basilan sa Zamboanga City kung saan limang barangay ang sinakop ng MNLF sa pamumuno ni Nur Misuari mula nitong Lunes.
Ayon sa mga ulat, siyam na katao na ang nasawi, habang 14,000 residente ang lumikas dahil sa kaguluhan.
- Latest
- Trending