MANILA, Philippines – Muling magpapatupad ng gun ban ang Philippine National Police para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 28.
Magsisimula ang 45-araw na gun ban sa Setyembre 28 hanggang Nobyembre 12, o 30 bago ang araw ng eleksyon at 15 araw matapos ito.
Inilabas ni PNP chief Director General Alan Purisima ang memorandum circular No. 32 or SAFE 2013-ALPHA ngayong Miyerkules kung saan layunin nitong makipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng Joint Peace and Security Coordinating Center.
Sinabi naman ni Deputy Director General Felipe Rojas, National Task Force SAFE 2013-Alpha Commander at PNP Deputy Chief for Operations, na makakalusot sa gun ban ang mga kumuha ng permit para sa Mayo 2013 national elections.
Nagpatupad ang Commission on Elections noon ng gun ban na tumagal ng limang buwan mula Enero 13 hanggang Hunyo 11.
Umabot sa 3,684 na katao ang nahuling lumabag sa gun ban, kabilang ang ilang nasa serbisyo.