Aquino hindi kilala si Napoles bago ang 'pork scam'

MANILA, Philippines – Sigurado si Pangulong Benigno Aquino III na hindi niya kilala ang umano’y mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles bago pumutok ang kontrobersyal na isyu.

Sinabi ni Aquino sa press briefing ng 7th ASEAN Navy Chiefs' Meeting sa Makati City ngayong Martes na hindi pamilyar ang itsura ni Napoles bago ito sumuko sakanya nitong nakaraang buwan.

"I was trying to look at her and I don't remember her," komento ni Aquino.

"I'm normally very good with faces... she doesn't look familiar or whatsoever," dagdag ng Pangulo. "I can’t even say I ever said 'hi' to her."

Natanong si Aquino kung kilala niya si Napoles matapos lumabas ang mga larawan ng kanyang kapartido at Senate President  Franklin Drilon na kasama ang negosyante sa isang salu-salo.

Nagpaliwanag si Drilon ngayong araw at iginiit na wala siyang inilaang parte ng kanyang pork barrel sa mga kuwestiyonableng nongovernment organization ni Napoles.

"There is a clear effort to implicate me as guilty by association with the picture shown last night on television," sabi ni Drilon.

Paliwanag ng  Senate President na nakasama niya sa mga social gathering si Napoles.

"Puwedeng mayroon pang lalabas ng ibang pictures kasi nakikita ko rin siya sa ibang social gatherings," ani Drilon. "But you know, kami naman mga politico ay marami nag papapicture sa amin... And I did not know the business of Ms. Napoles when all of these were happening."

Matapos magtago dahil sa kasong serious illegal detention na inihain ng pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy, kusang lumutang si Napoles sa Palasyo noong Agosoto 28.

Kasalukuyang nakapiit si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna at nakatakdang basahan ng sakdal sa Setyembre 23.

Show comments