PNoy nanghinayang kay NBI chief Rojas

MANILA, Philippines – Naghihinayang si Pangulong Benigno Aquino III sa pagbibitiw ni NBI Director Nonnatus Rojas matapos niyang kastiguhin ang ahensya.

"It is my belief that it would be an unwarranted imposition on the well-being of a model public servant, for Director Rojas, to remain in the NBI. For this reason, I am constrained to accept, with deep regret, his resignation," pahayag ni Aquino ngayong Biyernes.

Nitong Lunes ay nagbitiw sa puwesto si Rojas matapos ang komento ni Aquino sa mga hindi mapagkakatiwalaang tao sa ahensya.

Kaugnay na balita: PNoy 'di umubra sa pagbibitiw ni NBI chief Rojas

Hinala ni Aquino na may nagbigay ng impormasyon sa kampo ng umano’y pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles tungkol sa arrest warrant laban sa kanya na inilabas ng Makati Regional Trial Court.

Sinabi pa ni Aquino na ginampanang mabuti ni Rojas ang kanyang trabaho upang maibalik ang kredebilidad ng NBI.

"Atty. Nonnatus R. Rojas managed the transformation of the NBI from an agency reeling from very serious controversies, to one that has regained pride of place as the foremost investigative arm of the Department of Justice," papuri ni Aquino kay Rojas na umupo bilang pinuno ng NBI noong Hulyo 20, 2012.

Sinabi ni Aquino na si Justice secretary Leila De Lima muna ang mamamahala sa NBI kabilang ang pagtatalaga ng bagong pinuno ng ahensya.

Show comments