Pacquiao hindi magpapadaig sa multo ng nakaraan

MANILA, Philippines – Naniniwala ang Filipino Boxing icon  Manny Pacquiao na walang madaling paraan upang muling maabot ang tuktok matapos ang dalawang sunod na pagkatalo, kaya naman gagawin niya ang lahat upang makabangon.

“With God on our side and a more solid faith in Him more than ever, I believe that we will once again rise to the top. Walang madali lalung-lalo na sa sport na boksing at wala ring shortcuts,” sabi ni Pacquiao sa kanyang column sa Philboxing.com sa pagsisimula ng kanyang ensayo.

Dalawang buwang ensayo ang gagawin ng fighting-Congressman sa kanyang hometown na General Santos City upang paghandaan ang muling pagsabak sa ring kontra kay Brandon Rios sa Nobyembre.

Nais ni Pacquiao na makabalik sa pagkapanalo matapos siyang pabagsakin sa sixth round ng matinik na karibal na si Juan Manuel Marquez noong Disyembre.

“Alam kong marami ang nalungkot at nadismaya sa aking pagkatalo noong isang taon at ito rin ay nagbigay sa akin ng matinding hinagpis dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na maiwagayway ang ating bandera sa ibabaw ng ring,” sabi ni Pacquiao.

Alam ni Pacquiao na marami ang nadismaya sa kanyang pagkatalo pero aniya normal lamang ito.

 â€œMarami ang naiyak at kahit ako rin ay lubhang nadismaya kahit na maganda naman ang naipakita natin sa laban. Talagang ganyan minsan ang sports, may nananalo, may natatalo, at hindi na ito bago sa akin,” kuwento ni Pacquiao.

“Hindi lang minsan sa aking buhay na natikman ko ang pait ng pagkabigo sa ibabaw at maging sa labas ng ring. Nalasap ko ang pait ng pagkatalo ngunit hindi ito naging sagabal sa pagbabalik at paghangad ng mas mataas pang mga pangarap,” dagdag niya.

Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang kanyang long-time coach na si Freddie Roach para sa kanilang training camp.

“Dito na po ako tumanda sa larangang ito at lubos kong nababatid ang sakripisyo na dapat kong ibigay muli. Para sa mga nawalan ng pag-asa, gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya upang maghanda at manumbalik muli ang apoy na lumalagablab sa aking puso upang magwagi sa ibabaw ng ring,” sabi ni Pacquiao.

Gagawin ang bakbakang Pacquiao at Rios sa Nobyembre 24 sa Venetian Macao sa Macau, China.

Show comments