Banta sa buhay ni Napoles, totoo - Purisima

MANILA, Philippines – Iginiit ni Philippine National Police chief Director General Alan Purisima ngayong Miyerkules na totoo ang mga banta sa buhay ng umano’y utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni Purisima na hindi nila puwedeng luwagan ang seguridad ni Napoles dahil may mga nagtatangka sa buhay ng kontrobersyal na negosyante.

“There are threats, but we can not specify how,” banggit ni Purisima nang makapanayam sa Regional Law Enforcement Coordinating Committee IX (RLECC).

“We don’t want any chances to slip and its better to be prepared than sorry,” dagdag ng hepe ng PNP.

Kasalukuyang nakakulong ngayon si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa matapos ilipat mula sa Makati City Jail para sa kasong serious illegal detention.

Inilabas ng Makati Regional Trial Court ang arrest warrant para kay Napoles at sa kapatid niyang si Reynald Lim na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin.

Sinabi ni Purisima na tinutugis pa rin nila hanggang ngayong si Lim.

Nag-alok ng P5 milyon ang Palasyo kapalit ng impormasyong ikaaaresto ni Lim.

Show comments