MANILA, Philippines - Kung hindi magbibigay ng "courtesy resignation" ang tatlo o apat na National Bureau of Investigation Deputy Directors, si Justice Secretary Leila De Lima na mismo ang magrerekomenda sa Palasyo upang masibak sa puwesto ang mga ito, ayon sa kalihim ngayong Martes.
Sinabi ito ni De Lima kasunod nang pagbibitiw ng ilang mataas na opisyal, kabilang si NBI Director Nonnatus Caesar R. Rojas matapos kastiguhin ni Pangulong Benigno Aquino III ang ahensya dahil sa pagbibigay umano ng "tip" kay Janet Lim-Napoles, ang itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam.
Kaugnay na balita: Isa namang opisyal ng NBI nagbitiw
Iginiit ng Palasyo na nananatili pa rin naman ang tiwala ng Pangulo kay Rojas, habang si De Lima ay naniniwala na hindi dapat umalis sa puwesto ang pinuno ng ahensya.
Kaugnay na balita: Palasyo tiwala pa rin kay NBI director Rojas
“Malaki at marami ang nagawa ni Director Rojas kaya ang rekomendasyon ni (Justice) Secretary (Leila) De Lima ay i-reject ang kanyang resignation,†sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda kahapon.
Ayaw naman pangalan ni De Lima kung sino ang mga gusto niyang pagbitiwin sa puwesto.
Nilinaw niya na walang kinalaman ang kaso ng pork barrel scam sa kanyang nais mangyari at sinabing dahil wala na siyang tiwala sa mga ito.
Sinabi pa ni De Lima na nakakatanggap siya ng mga impormasyon tungkol sa umano'y ilegal na gawain ng ilang opisyal ng ahensya.
Pero inamin rin ng Justice secretary na wala pa naman siyang konkretong ebidensyang magpapatunay dito.