MANILA, Philippines - Isa na namang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagbitiw sa puwesto kasunod nang pagkastigo ni Pangulong Benigno Aquino III sa ahensya dahil sa umano'y pagbibigay ng "tip" sa itinuturong mastermind sa porkbarrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Naghain ng kanyang resignation letter si NBI Deputy Director Edmundo Arugay kahit nasa ibang bansa ito para sa isang opisyal na biyahe.
Nakasaad sa kanyang sulat ang bisa ng kanyang pagbibitiw, sa Setyembre 14, pagbalik niya sa Pilipinas.
Kahapon ay si NBI Director Nonnatus Rojas ang unang nagbitiw matapos sabihin ni Aquino na nawala ang kanyang tiwala at kumpiyansa sa ahensya.
Umugong ang usap-usapang may nagbigay ng impormasyon kay Napoles na ilalabas ng Makati Regional Trial Court ang arrest warrant laban sa kanya.
Dahil dito ay nakapagtago ng halos dalawang linggo ang kontrobersyal na negosyante.
Kaugnay na balita: Hepe ng NBI tinamaan sa patutsada ni PNoy, nagbitiw sa puwesto
Sinabi naman ni Justice secretary Leila De Lima na ang mga deputy directors ng NBI dapat ang magbitiw sa puwesto at hindi sina Rojas.
Kaugnay na balita: Palasyo tiwala pa rin kay NBI director Rojas