MANILA, Philippines – Nagbitiw na sa puwesto ang hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang komento ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga hindi mapagkakatiwalaang tao sa ahensya.
Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima ngayong Lunes na naghain na ng resignation letter si NBI Director Nonnatus Rojas.
Binatikos ni Aquino ang NBI dahil sa umano’y pagbibigay ng “tip†kay pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles kaya nakatakas ito bago pa ibigay ng mga awtoridad ang arrest warrant na inilabas ng Makati Regional Trial Court.
Pero sinabi ni De Lima na hindi si Rojas ang pinapatamaan ni Aquino.
"Hindi (si Rojas) ang pinapatamaan ni PNoy ... Mas maganda sana na ang mga deputy director ang mag-tender ng resignation, hindi dapat si Director Nonnie," sabi ni De Lima.
"He thinks it is the most honorable thing to do under the circumstances. That banner story yesterday may have cast a cloud of doubt over NBI as an institution. I explained to him na hindi 'yon ang ibig sabihin ng pangulo, he is not casting doubt on the institution, ilan-ilan lang," dagdag niya.
Kung si De Lima ang tatanungin ay nananatili pa rin ang kanyang kumpiyansa at tiwala kay Rojas.
"It goes to show na siya ay very principled, na meron siyang delicadeza. I told him he has my very trust and confidence and I told him that the president also has trust and confidence in him," ani De Lima.
Sinabi ni De Lima na depende na kay Aquino kung tatanggapin niya ang pagbibitiw ni Rojas.
"The president was just stating a fact and I concur, but i don't think there is a part on the president that he is generalizing na lahat ng mga tao sa NBI," banggit ng pinuno ng Department of Justice.
Ngayong Lunes din ay iniutos ni Aquino ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y dalawang opisyal ng NBI na nagbigay ng “tip†kay Napoles kaya nakapagtago ito.
"Ang sabi ng ating mahal na pangulo ay inihahanda na yata o gumagawa ng imbestigasyon tungkol dito," sabi ni Rojas.
Kaugnay na balita: NBI iimbestigahan dahil sa 'tip' kay Napoles
Naniniwala rin si De Lima na may nag-tip kay Napoles.
"Somebody tipped her off," sabi ni De Lima noong Agosot 15 nang ilunsad nila ang malawakang manhunt operation.
Noong Agosto 28 sumuko si Napoles kay Aquino.