MANILA, Philippines – Pinapaimbestigahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang umano’y nag-tip sa itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam Janet Lim-Napoles kaya ito nakapagtago nang ilabas ng Makati Trial Court ang arrest warrant.
Sinabi ni NBI Director Nonnatus Rojas na iniutos ni Aquino ang imbestigasyon laban sa dalawang baluktot na miyembro ng ahensya.
"Ang sabi ng ating mahal na pangulo ay inihahanda na yata o gumagawa ng imbestigasyon tungkol dito," banggit ni Rojas sa isang panayam sa telebisyon ngayong Lunes.
Pero inamin ni Rojas na hindi pa nila nakikilala ang dalawang opisyal ng NBI kahit na nagpahiwatig si Aquino tungkol sa mga hindi mapagkakatiwalaang miyembro ng ahensya.
"Actually hindi pa din naman namin identified kung sino ang dalawang ito. Dahil nga ang nag-iimbestiga nito ay ang ahensya na inutusan at inatasan ng pangulo natin," dagdag ni Rojas.
Sinabi ni Rojas na kung mapatunayan na may nag-tip nga kay Napoles ay papatawan nila ng parusa ang mga ito.
"Transparent kami at kung ano man ang kahihinatnan ng imbestigasyon, kung talaga ngang mayroong ginawang pagkakamali ang dalawang opisyal namin, ay tatanggapin namin at papatawan ng kaukulang parusa kung kinakailangan," ani Rojas.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na maaaring may nag-tip kaya nakatakas si Napoles.
Aniya kung mapatunayan ay makakasuhan ng obstruction of justice at harboring fugitives ang mga ito.