Napoles sa Makati City Jail ikukulong

MANILA, Philippines – Sa Makati City Jail dapat makulong ang umano’y pork barrel scam mastermind na si Janet Lim-Napoles, ayon sa Makati Regional Trial Court ngayong Huwebes.

Naglabas ng commitment order si Judge Elmo Alameda ng Makati Regional Trial Court Branch 150 matapos isauli ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang arrest warrant na inilabas nila.

Nakatakdang basahan ng sakdal si Napoles sa Setyembre 9 sa ganap na 1:30 ng hapon.

Naglabas ng arrest warrant si Alameda laban kay Napoles at sa utol niyang si Reynald Lim para sa kasong serious illegal detention kay pork barrel scam whistleblower Benhur Luy.

Kagabi ay sumuko si Napoles kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang.

Mula sa Palasyo ay personal na inihatid ni Aquino kasama sina Interior Secretary Mar Roxas at PNP chief Alan Purisima sa Camp Crame upang makuhaan ng mug shots at fingerprints.

Patuloy pa rin ang pagtugis sa utol ni Napoles na may P5 milyong pabuya.

Show comments