MANILA, Philippines - Sumuko kay Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules ng gabi ang itinuturong utak sa P10-billion pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Inihayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ganap na 9:37 ng gabi sumuko si Napoles.
Ayon kay Lacierda, agad na ipinasa ng Pangulo si Napoles kina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at National Police chief Director-General Alan Purisima.
Iniutos ng Makati Regional Trial Court ang pag-aresto kay Napoles kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kanya ng kanyang dating empleyado na si Benhur Luy, itinuturing na isa sa mga whistleblower ng pork barrel scam na kinasasangkutan ng maraming mambabatas.
Nitong umaga lamang ng Miyerkules ay itinaas ng Pangulong Aquino ang pabuya sa ikaaaresto ni Napoles sa P10 milyon.
Naglabas na rin ang Department of Justice ng "wanted" posters para sa agarang ikadarakip ng negosyante.
Nauna nang sinabi ni Lorna Kapunan, abogado ni Napoles, na handang sumuko ang kanyang kliyente basta siguruhin lamang ng Pangulo ang kanyang kaligtasan.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na maaari pa ring ikonsidera bilang state witness si Napoles, ngunit nilinaw ni Aquino na mangyayari lamang ito kung susuko na ang naturang negosyante.