MANILA, Philippines – Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, hinamon ni Pangulong Benigno Aquino III ang publiko na gawin ang kanilang papel upang maaabot ang pagbabagong inaasam ng lahat.
Muling nabanggit ni Aquino sa kanyang talumpati sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong Lunes ang kanyang pagbasura sa Project Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel.
Layunin niya na bumuo nang bagong sistema upang masiguro na sa taumbayan mapupunta ang pondo at hindi sa bulsa ng mga mambabatas.
“Ngunit upang tuluyang maging epektibo ang bagong sistemang ating ilalatag, kailangan ang pakikiisa ng mamamayan sa masusing pagbabantay ng bawat proyektong ating pinopondohan,†panawagan ng Pangulo sa puliko.
“Ang hamon po sa atin: Huwag sana tayong makuntento na mag-abang o tumanggap lamang ng tulong at biyaya mula sa kabutihan ng iba; sa halip, gawin natin ang lahat ng makakaya sa bawat pagkakataon upang gampanan ang tungkulin sa kapwa at lipunan,†dagdag ni Aquino.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat ay isabuhay ng mga Pilipino ang sakripisyong ginawa ng mga bayani para sa bayan sa pagpapatuloy na pagkuha ng tunay na kalayaan.
“Bilang pagrespeto at pagpapahalaga sa mabuting halimbawa ng ating mga bayani, nawa’y araw-araw nating isabuhay ang kanilang aral at paninindigan. Kung nagawa nga nilang patunayang ang Pilipino ay may malasakit sa kapwa Pilipino, wala pong makakapigil sa atin upang sundan ang tinahak nilang landas,†pahayag ni Aquino na kinilala ang kabayanihan ni Commodore Ramon Alcaraz na lumaban sa mga hapon kahit dehado, at ang mga makabagong bayani na overseas Filipino workers.
“Taas noo tayong humaharap sa mundo—patutunayan nating sulit ang sakripisyo ng ating mga bayani, at itutuloy natin ang kanilang laban para sa ikabubuti ng bagong salinlahi.â€
Sa huli ay sinabi ni Aquino na bawat Pilipino ay mayroong katungkulan sa bayan na dapat iambag para sa ikauunlad ng bansa.
“Nagsisimula po ang kabayanihan mula sa ating mga sarili; sa pagtukoy at pagpanig sa kung ano ang tama, at hindi sa mali,†sabi ni Aquino
“Bawat isa sa atin, anuman ang katungkulan o kalagayan, kayang maging mabuting Pilipino sa bawat sandali; bawat isa sa atin, gaano man kaliit o kalaki ang iambag, kayang maging bayani,†dagdag niya.