Castro hindi inaasahan ang award, excited sa FIBA world cup

MANILA, Philippines –  Inamin ni Gilas Pilipinas pointguard Jason Castro na hindi niya inaasahang kikilalanin siya bilang isa sa mga pinakamagaling na basketbolista sa Asya.

Sa silver medal finish ng Pilipinas sa katatapos lamang na FIBA Asia, nakabilang si Castro sa Mythical Five kasama sina Kim Mingoo ng Korea, Lin Chih-Chieh ng Chinese Taipei, Oshin Sahakian at Hamed Haddadi ng Iran.

“Hindi ko naman talaga ine-expect yun. I’m a team player, alam niyo naman yun,” sabi in Castro na ginamit ang apelyido ng kanyang ama na William sa Philstar.com.

“Any award, hindi ko in-expect. Kung ibibigay sa akin, thank you. Kung hindi ok lang naman sa akin,” dagdag ni Castro na naglaro para sa Philippine Christian University noong college. “At least, na-achieve namin ang goal naming na makasama sa Spain.”

Nagtala ng 11.8 points si Castro sa 31 percent three-point shooting na sinahugan pa ng 3.3 rebounds at 3 assists.

Excited

Kahit second place lamang ay bibiyahe pa rin ang Pilipinas sa Spain para sa FIBA World sa susunod na taon, kaya naman isa itong panaganip na natupad para kay Castro.

“Sobrang excited. Lahat ng player, iyun ang dream na makapunta sa World Basketball Championship.  Lalo na siguro kung malapit na.”

Pero alam ni Castro na sa susunod na taon pa iyon kaya naman naka-focus muna siya sa kanyang koponan sa PBA na Talk n Text.

“For now, focus muna sa PBA,” Castro said. “Kapag malapit na, dun ko na iisipin.”

Show comments