MANILA, Philippines – Walo na ang bilang ng mga nasawing biktima sa pagsabog ng isang bomba sa Cotabato City nitong Lunes.
Sa isang panayam sa radyo ngayong Martes, ay kinumpirma ni Police Regional Office 12 director Chief Superintendent Charles Calima Jr. na namatay na ang dalawa sa mga sugatan kaya naman umakyat ang bilang sa walo.
Anim na katao kaaagad ang nasawi sa pagsabog sa panulukan ng Maniara Street at Sinsuat Avenue, Brgy. Rosary Heights 10 , Cotabato City.
Nakumpirma ng mga awtoridad na isang kotse ang pinasabog.
Kaugnay na balita: Bomba itinanim sa motorsiklo: Cotabato blast 6 patay
Nakalabas na naman ng ospital ang 17 sugatan, habang may 13 katao pa ang patuloy na nagpapagaling.
Isa sa mga tinitignang anggulo ng mga awtoridad ang pag-target kay Cotabato City administrator Cynthia Guiani-Sayadi na kapatid ni City Mayor Japal J. Guiani Jr.
Nangyari ang pagsabog habang dumaraan si Guiani-Sayadi sakay ng kanyang bullet proof na sasakyan.
Hindi naman nasugatan si Guiani-Sayadi ngunit dalawang tauhan nito ang nasawi na sakay ng kahiwalay na sasakyan.
Samantala, ayaw naman maglabas ng pahayag ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman sa kung sino ang nasa likod ng pagsabog at ang motibo nito.
“At this point in time hind dapat mag labas… Investigation is ongoing,†sabi ni Hataman sa isang panayam sa telebisyon.
“Ang daming tinitignan na angle, ang daming speculations,†dagdag ng gobernador.