MANILA, Philippines – Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong “Kiko†ngayong Martes ng umaga pero patuloy na uulanin ang bansa, ayon sa state weather bureau.
Namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration kaninang alas-4 ng umaga si Kiko sa 620 kilometro hilaga-kanluran ng Coron, Palawan.
Lumabas ng PAR si Kiko na may taglay na lakas na 55 kilometers per hour (kph), habang gumagalaw ito 20 kph patungong Katimugang China.
Ngunit kahit nakalabas na ng PAR ang bagyo ay magdudulot pa rin ito ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), Central Luzon, Western at Central Visayas, Northern Mindanao at Caraga.
Si Kiko ang unang bagyong pumasok sa bansa ngayong Agosto at pang-11 ngayong taon.
Inaasahan ng PAGASA ang pagpasok ng tatlo hanggang apat na bagyo ngayong buwan.
Nitong Lunes lamang ng hapon naging ganap na bagyo si Kiko.
Wala namang nakataas na public storm warning signal.