MANILA, Philippines – Naging ganap nang bagyo ngayong Lunes ang binabantayang low pressure area sa probinsya ng Palawan.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) namataan kaninang alas-4 ng hapon ang mata ng bagyong “Kiko†sa 280 kilometro hilaga-kanluran ng Puerto Princesa o sa 320 kilometro kanluran ng Coron, Palawan.
May lakas na 55 kilometers per hour (Kph) ang bagyong Kiko habang gumagalaw ito pa-kanluran, hilaga-kanluran sa bilis na 15 kph.
Makakaranas ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan na may pagkulog at pagkidlat ang Metro Manila at ang gma nalalabing bahagi ng Luzon, maging ang Mindanao.
Magiging bahagyang maulap naman sa Visayas na may pulo-pulong pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat.
Si Kiko ang unang bagyo ngayong buwan ng Agosto at pang-11 ngayong taon.
Kaugnay na balita: Maulang Lunes dala ng LPA sa Palawan
Tinatayang magkakaroon ng tatlo hanggang apat na bagyo ngayong buwan.
Wala namang nakataas na public storm warning signal, ayon sa PAGASA.