MANILA, Philippines – Upang mas mapabilis ang pagdakip, nag-alok na si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ng pabuya sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa mga suspek ng pagsabog ng isang bistro sa lungsod noong nakaraang linggo.
Dalawang milyong piso ang inilaan ni Moreno na kukuhanin sa intelligence fund ng lungsod upang mas mapadali ang pagtugis sa mga suspek.
Walong katao ang namatay sa pagsabog na bomba sa Kyla’s Bistro sa loob ng Limkethai shopping complex sa Cagayan de Oro City bandang alas-11 ng gabi noong Hulyo 26.
Kaugnay na balita: 8 na bilang ng mga nasawi sa CDO blast
Nakilala ang nasawi na sina Atty. Antonio Paredes, Dr. Erwin Malanay, Dr. Marciano Agustin, Unilab executive Reynaldo Dalupan and pharmaceutical representatives Manny Falafox, Anthony Canete at Ryan Saso Estose.
Karamihan sa mga biktima ay pawang mga kinatawan ng iba’t ibang pharmaceutical companies na dumalo sa isang convention ng Philippine College of Chest Physicians (PCCP).
Nitong Lunes ay inilabas ng Philippine National Police (PNP) ang computerized image ng tatlong suspek.
Kaugnay na balita: Computerized image ng 3 CDO blast suspects inilabas ng PNP
Noong Martes naman ay sinabi ni Moreno na malapit na nilang madakip ang mga suspek dahil sa mga nakuha nilang lead.
“May mga lead, and the police and law enforcement agencies are pursuing these leads...the number of leads gets smaller and the focus [becomes] deeper [and] is more thorough," sabi ni Moreno.
Kaugnay na balita: CDO blast suspects malapit nang madakip