Ekonomiya pinalalakas ng 50 richest ng Pinas - Palasyo

Kabilang sina Henry Sy (1st), dating senator Manny Villar (16th), Felipe Gozon ongGMA-7 (41st) at business tycoon Manny Pangilinan (50th) sa 50 pinakamayamang Pinoy ng Forbes.

MANILA, Philippines – Walang nakikitang masama ang Palasyo sa balitang galing sa Forbes Magazine na katumbas ng pinagsama-samang yaman ng 50 richest Filipinos ang sangkapat ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa isang televised press briefing na nagdadala naman ng maraming trabaho ang mga negosyo ng mga bilyonaryong Pinoy.

"Yung mga kumpanya naman po for instance nina Ginoong Henry Sy, marami po silang ine-employ na tao," sabi ni Lacierda.

"One mall would hire so many people... It provides an avenue, an opportunity where businesses can be established because people converge in that particular (area), for instance, a mall," dagdag niya.

Kaugnay na balita: 50 richest ng Phl mas malaki pa ang kita sa 1/4 ng ekonomiya

Aniya, lumalago ang ekonimiya dahil patuloy naman ang pagtangkilik ng publiko sa negosyo ng mga nabanggit na bilyonaryong Pinoy.

"In turn, when there is a sale, it generates income for the businesses, which provide employment," paliwanag ng tagapagsalita ng Palasyo.

Ayon sa istoryang isinulat ni Naazneen Karmali sa website ng Forbes, aabot sa $65.8 bilyon o P2.8 trilyon ang yaman ng 50 Pilipino base sa huling tala nitong Hulyo.

Nangunguna sa listahan ang 88-anyos na si Henry Sy na may net worth na $12 bilyon o P521 bilyon.

"'Pag mas marami 'yung mga negosyo nila, dadami po ang ating mga trabaho," sabi ni Lacierda.

Show comments