MANILA, Philippines – Mas mataas nang bahagya ang approval rating ni Vice President Jejomar Binay kumpara kay Pangulong Benigno Aquino III sa survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Nakakuha ng 78 porsiyento si Binay sa isinagawang survey noong Hunyo 20 hanggang Hulyo 4, limang porsiyentong mas mataas kaysa kay Aquino na kumubra ng 73 porsiyento.
Lumabas din sa pag-aaral na mas mababa ang “undecided†na sagot ng mga respondents sa tanong kung anong masasabi nila sa performance ni Binay. Nakatanggap ng 16 porsiyento si Binay, habang si Aquino ay may 19 porsiyento.
Mas mataas naman ang disapproval rating ni Aquino, na may pitong porsiyento kumpara sa anim na porsiyento ni Binay.
Sa kabilang banda ay umani ng 78 porsiyentong trust rating si Binay, mas mataas ng isang puntos sa 77 porsiyento ni Aquino.
Kaugnay na balita: PNoy pasado sa 11 isyu ng PHL - Pulse Asia
Samantala, nakatanggap naman ng 54 porsiyentong approval rating at 53 porsiyentong trust rating si dating Senate President Juan Ponce Enrile. Isinagawa ang pag-aaral matapos niyang magbitiw sa puwesto.
Tig-38 porsiyentong trust rating naman ang nakuha nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, habang 38 at 37 porsiyento namang approval rating ng bawat isa.
Isinagawa ang survey sa buong Pilipinas kung saan mayroong 1,200 katao edad 18 pataas ang tinanong.
Mayroong ± 3 percent error margin at 95 percent confidence level ang pag-aaral.