MANILA, Philippines – Umakyat na sa walo ang bilang ng mga taong nasawi sa pagsabog sa isang bistro sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes, ayon sa Philippine College of Physicians (PCP) ngayong Lunes.
Inihayag ni Dr. Tony Leachon, PCP vice president at University of the Philippines Manila director for information sa kanyang twitter account na pumanaw na si Dr. Marciano Agustin, 47, na naging kritikal pa ang kondisyon sa ospital bago binawian ng buhay.
Nakilala ang pampitong nasawi na si Reynaldo Dalupan, 57, medical representative ng United Laboratories.
Naunang pumanaw si Agustin bandang 6:15 Linggo ng umaga habang 9:25 ng gabi si Dalupan.
Breaking news : CDO 8 th victim succumbs - Dr. Marciano Jun Agustin at 615 am today in the ICU of CDO hospital - relayed by Dr.Tricia Obrero
— Tony Leachon MD (@LeachonTony) July 28, 2013
Anim kaagad ang naitalang nasawi sa pagsabog ng isang bar sa loob ng Limkethai shopping complex sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes.
Nakilala ang mga biktima na sina Antonio Paredes, Erwin Malanay, Manny Falafox, Anthony Cañete, at Ryan Saso Estose.
Bukod sa mga nasawi, 48 katao ang sugatan sa pagsabog na hanggang ngayon ay inaalam pa rin kung sino ang nasa likod ng pag-atake.
Karamihan sa mga biktima ay pawang mga kinatawan ng iba’t ibang pharmaceutical companies na dumalo sa isang convention ng Philippine College of Chest Physicians (PCCP).