PNoy pasado sa 11 isyu ng PHL - Pulse Asia
MANILA, Philippines – Pasado si Pangulong Benigno Aquino III sa 11 pangunahing isyu ng bansa, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Pulse Asia.
Lumabas sa survey na isinagawa noong Hunyo 20 hanggang Hulyo 4 na mula noong hawakan ni Aquino ang puwesto noong 2010 ay parehong marka ang kanyang nakuha.
Naglalaro sa 75 porsiyento hanggang 80 porsiyento ang marka ni Aquino na ayon sa Pulse Asia ay pasado naman.
"On a scale of 0 to 100, with 75 as the passing grade, President Aquino's average or mean grades range from 75 (or "barely passing") on poverty reduction to 80 (or "good") on the management of the economy and delivery of basic services to Filipinos in need," ayon sa Pulse Asia ngayong Huwebes.
Nakakuha din si Aquino ng median grade o gitnang grado na 80 porsiyento para sa lahat ng 11 isyu kabilang ang pag-aasikaso sa ekonomiya, pagpapalakas ng mga political institution, pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa, pagsisiguro na matugunan ang pangunahing pangangailangan ng publiko, at ang pagpapatupad ng batas.
Sakop din sa pag-aaral ang isyu ng pagsugpo ng kahirapan, pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa, pagsugpo sa korapsyon, pagsugpo sa krimen, pagpigil sa pag-abuso ng kalikasan at ang pagpapabagal ng paglobo ng populasyon.
Nagtala naman si Aquino ng isang porsiyentong pagtaas sa kanyang grado sa pagpapalago ng ekonomiya ngunit nabawasan din siya ng isang porsiyento sa pagpapatupad ng batas sa publiko.
Nangyari ang “marginal changes†sa performance ni Aquino noong Agosto 2011 at Hunyo 2013.
Umakyat naman ng limang porsiyento ang grado ng Pangulo sa pagsugpo ng kahirapan na 80 porsiyento mula sa 75 porsiyento.
Isinagawa ang survey sa buong Pilipinas kung saan mayroong 1,200 katao edad 18 pataas ang tinanong.
Mayroong ± 3 percent error margin at 95 percent confidence level ang pag-aaral.
- Latest
- Trending