MANILA, Philippines – Nainis si Senator Pia Cayetano sa mga kritiko ng Reproductive Health Law dahil aniya’y minamaliit ng mga ito ang bilang ng mga maternal death sa Pilipinas.
"Their position to me today revealed the preposterousness of their position. Kasi po ang argument nila ay ganito: Dapat daw ibasura ng Korte Suprema ang RH Law, kasi raw, 160 women out of [every] 100,000 women 'lang naman' daw ang namamatay," pahayag ni Cayetano na isa sa mga nagtatanggol sa naturang batas.
"Mas marami pa raw ang namamatay sa ibang sakit. Therefore, huwag na nating bigyan ng pansin ang mga kababaihan. Sabi nila, bakit hindi raw bigyan ng pansin ang ibang sakit?" dagdag ni Cayetano.
Aniya, natutugunan naman ng gobyerno ang ilang sakit sa bansa sa pamamagitan ng Sin Tax Law, PhilHealth Law, Cheaper Medicines Act, at ng Graphic Health Warning Bill kaya naman hindi niya nagustuhan ang pangmamaliit ng mga kontra RH Law sa bilang ng maternal death.
"Lahat naman po yon ay binigyan natin ng pansin. Napakababaw na ibigay bilang dahilan na '160 babae lang naman' daw ang namamatay," sabi ni Cayetano.
Nitong Martes ay isinagawa ang ikalawang oral argument sa RH Law kung saan kinuwestiyon ng mga kontra sa batas ang pagsagasa nito sa “religious freedom†sang-ayon sa saligang-batas.
Sinabi ni Luisito Liban na bukod sa taliwas ito sa turo ng simbahang Katoliko ay inihahatid pa ng batas ang mga Katoliko sa paggawa ng kasalanan sa paggamit ng contraceptives.
Matapos pirmahan ni Aquino ang kontrobersyal na batas ay naglabas naman ng 120-day status quo ante order (SQAO) ang Korte Suprema kasunod ng paghahain ng 15 petisyon upang ipatigil ang pagpapatupad nito.
Gagawin ang ikatlong round ng oral arguments sa Agosto 6.